Wednesday, November 9, 2016

REPLEKSYON SA "SI BINIBINING PHATHUPATS"

SI BINIBINING PHATHUPATS
ni Juan Crisostomo Soto

Ang akdang Si Binibining Phathupats ay nagbibigay aral sa mga taong pinipiling limutin ang kanilang kinagisnan upang makibagay sa iba. Nais iparating ng akda ang maaring mangyari sa oras na kalimutan natin ang ating nakaraan. Nakaraang napakahalaga sa ating buhay. Ang kwento ay puno ng aral na madadala natin bilang gabay sa ating hinaharap.

Ang sinumang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroronan, ito ay isang kasabihang aking napatunayan nang basahin ko ang akdang Si Binibining Phathupats. Ang ating pinagmulan ang bumubuo sa kung anong mayroon tayo ngayon. Hindi dapat limutin ng isang tao ang kanyang nakaraan dahil ito ang magsisilbi niyang aral at gabay sa kanyang hinaharap. Kung magtagumpay ka man sa buhay kailangan mong magpakumbaba at pasalamatan ang mga tao at bagay sa likod ng iyong tagumpay.

Lahat tayo ay dapat mahubog mula sa ating mga karanasan. Kung may mali tayong nagawa ay hindi pa huli ang lahat upang tayo ay magbago.  Lagi nating alalahanin na matututo tayo mula sa ating mga pagkakamali. Huwag dapat nating kalimutang magpasalamat sa mga tao nating nakilala at huwag nating iwaglit ang mga karanaasan sa nakaraan. Ang mga aral mula sa nakaraan ang magdidikta kung ano ang mangyayari sa ating kinabukasan. 

BUOD NG "SI BINIBINING PHATHUPATS"

SI BINIBINING PHATHUPATS
Ni Juan Crisostomo Soto

Si Binibining Yeyeng ay isang Pilipinang Kapampangan na kitang kita sa sa katawan ang pagka Pilipino. Punung-puno siya ng kolorete sa mukha. Ngunit dahil mahirap lamang sila ay pagtitinda ang kanilang ikinabubuhay. Sa kabilang dako, sa pagtahimik ng rebolusyon ay nabuksan ang mga paaralan sa tulong ng pamahalaang militar ng Amerika. Ang mga kawal na naging suki ni Binibining Yeyeng sa kanyang pagtitinda ay naging mga guro sa paaralaan. Pinilit siyang papasukin ng mga kawal upang siya ay matuto at sila ay magkaintindihan. Makalipas ang ilang araw ay nakapagsasalita na ng Ingles si Binibining Yeyeng. Sa paglipas ng ilang buwan ay pinadala siya ng mga gurong kawal sa ibang bayan upang magturo. Nabihasa si Binibining Yeyeng sa pagsasalita ng Ingles. Sa paglipas ng panahon ay hindi na siya lubusang nakapagsasalita ng Kapampangan dahil sinasabi niyang nakalimutan na raw niya ito. Sinabi niyang matigas daw ang Kapampangan at nababaluktot ang kanyang dila kaya kailanman ay hindi na siya makakapagsalita nito ng tuwid at mananatili na siyang utal dito. Nalaman ng ibang kakilala ni Binibining Yeyeng ang kanyang sinabi kaya pinalitaan nila ang kanyang pangalan. Mula Binibining Yeyeng ay ginawa nila itong “Binibining Phathupats”, pangalang hango sa malapad niyang balakang na pilit iniipit sa Pahang mahigpit ang balot. Nakalimutan na ng mga tao ang Yeyeng na dati niyang malambing na palayaw.

Lumipas ang panahon at may isang pista o “velada” sa bayan ang dinaluhan ni Binibining Phathupats. Doon ay may nakita siyang isang pahayagang Kapampangan, ngunit nang makitang Kapampangan ay lumabi siya at nagsalita ng Kapampangan. Sa pagpapatuloy ng kasiyahan ay nagkaroon ng diskusyon ukol sa isyung pagkalimot sa pagsasalita ng Kapampangan ni Binibining Phathupats. Lumabas ang pilit na pagkukubli ni Binibining Phathupats ng kanyang pagiging isang Pilipino at pilit na pakikibagay sa mga Amerikano. Napahiya siya sa harap ng maraming tao. Sigawan, palakpakan, at halakhakan ang narining sa buong lugar. Hindi na nakatiis si Binibining Phathupats at nagkandarapa siyang lumabas sa daan dahil sa inis at hiya. “Paalam, binibining hindi marunong ng Kapampangan. Paalam, Binibining Alice Roosevelt! Paalaam, Binibining Phathupats”, mga salitang binitawan ng mga tao.

Napakarami nang mga Binibining Phathupats sa panahon ngayon. Mga taong kinakalimutan na ang sariling wika. Mga taong ikinahihiya ang sariling wika dahil nakakapagsalitaa na sila ng wikang Ingles.